THE CAPTAIN

Nawalan na ako ng pag-asa.

 

Hindi biro habulin ang 30 points. Kahit pa sa NBA 2k12.

 

Halos isang dekada bago pa maimbento at ma-abuso ng libu-libong bata (at isip-bata) ang 2k12, isang gabi sa bahay namin sa San Juan, nagchi-cheer ako para sa Purefoods TJ Hotdogs laban sa Sta. Lucia Realtors.

 

Wala namang malalim na dahilan kung bakit ako kumakampi para sa kanila.  Hindi naman ako labis na enjoy sa produkto nila, o labis na galit sa mga gumagawa ng bahay, pero bumagsak ang puso nang maging trenta ang lamang ng Sta. Lucia.

 

Pero hindi siya natinag.

O kung natinag man siya, hindi ko nakita, o hindi yun ang naalala ko.

 

 

Ang naalala ko ay kung paano binuhat ni Alvin Patrimonio ang team niya para habulin ang lamang ng Sta. Lucia. Siguro, expected na yun dahil kapitan siya ng team niya. Expected man, ang nakapamamangha, ay kung paano niya isinabuhay ang pagiging “kapitan.”

 

Sunod-sunod na kombinasyon ng foul-counted at three point shots ang ginawa niya.  Walang alintana sa ga-bundok na score na kinailangang akyatin, halos mag-isa siyang lumusob paakyat. Di nagtagal, sumunod din sina Dindo Pumaren, Rey Evangelista, at Jerry Codinera sa biyahe paakyat.

 

Pero nagkulang.

 

Anak ng hotdog. Nagkulang.

 

Isa siguro sa mga first time kong maburat bilang tao.

 

Doon ko nakita na minsan, sumisilip mula sa kaniyang pagkakapiring si Bb. Hustisya. Lalo na pagdating sa basketball. Kinapos ng ilang puntos ang Purefoods. At naalala ko pa ang pagkamuhi ko na hindi naging player of the game si Kapitan. Ang player of the game – taga Sta. Lucia, dahil lang birthday niya. Kahit wala pa sa kalingkinan ni Patrimonio ang stats niya.

 

Pero doon ko rin natutunan na minsan, may mga pagkakataong hindi final score ang nagsasabi ng kuwento ng laro. Na may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa pagkapanalo. Tulad ng apoy sa puso at angas ng determinasyon, anuman ang score.

 

 

Maraming taon ang lumipas. Nagkapalit-palit na ng team names at mukha sa PBA. Nagka fil-ams, fil-shams. Trades, kunwaring nagpapa-trade. Nag-retire si Alvin nang may apat na MVP awards. Tabla sila ni El Presidente, Ramon Fernandez.  At naging manager na siya ng BMEG. Purefoods din yun, para sa mga di nakasubaybay. Isa na namang pagpapalit-anyo ng mga koponan sa PBA alang-alang sa corporate marketing. Napanood ko sa TV. Nasa bench siya nung Game 7 laban sa Talk N’ Txt. Inakala ko, tulad marahil ng marami, na mananalo ang Talk N’ Txt. Subali’t gumawa ng paraan ang import ng BMEG, at naitsa sa overtime ang laro. At sunod-sunod ang pagsasa-bayani ang import. Parang alamat. Parang di tao. Parang si Alvin nung laro sa Sta. Lucia, na parang ilang libong taon na ang nakaraan.

 

At marahil nakita nga niya ang parehong pusong nag-aalab. At kaniyang inakap ang import nang mahigpit.Parasiyang player ulit. Walang nagbago. Pusong-kapitan pa rin.

 

may mga apoy talagang hindi mapapatay ng pagdaan ng taon

 

Alam ko meron akong picture na kasama ko si Alvin Patrimonio.Sanamahanap ko para mai-upload ko. Atsaka para maalala ko kung ano ang ibig sabihin ng “kapitan.”

 

Maraming taon nga ang lumipas, at aaminin kong naantig ako nang makita ko si Patrimonio nung gabing iyon. Marami na rin akong nasalihang team – basketball teams, group work sa school, team sa trabaho, theater group, dance group, pamilya, at iba pa. At may mga pagkakataong ako ang naging “kapitan” ng grupo. At ngayong napapaisip ako, isa pala sa malaking naging impluwensiya sa akin, ay si Patrimonio.

 

Sa kaniya ko natutunan na walang kalamangang hindi dapat harapin. Maaaring hindi ka manalo, pero nasa pagtugon sa hamon ang panalo. Na pag ikaw ang kapitan, ikaw ang titingnan ng lahat kung saan patutungo. At kahit ikaw man, di mo pa batid, hahanap ka ng paraan. Na ikaw ang puso ng team. Na kailangan mong paniwalain ang mga kakampi mong magaling sila – dahil totoo. Na walang magmamahal sa ginagawa mo kung hindi ikaw.

 

 

Alam ko, marami na ang nagsulat, (astig nga etong sinulat ng kaibigan kong si Carlo Pamintuan http://micohaliliblogs.blogspot.com/2012/05/from-purefoods-to-b-meg-from-fathers-to.html?m=1) , nag-upload ng picture, at nagbiro tungkol sa tila pag-atras ni Cap sa mga kamay ng oras. Subali’t para kong tinalikuran ang isang idolo at bahagi ng aking pagkabata kung hindi ko ito ginawa.

 

At ano ba naman ang isang blog entry, para sa isa sa mga nagturo sa yo (kahit di niya alam) kung paano maging kapitan.

 

Na walang ibang paraang maglaro ng basketbol kung hindi yung halos naibuga mo na ang lahat ng dugo sa puso mo.

 

PS: Sa Google Search po lumabas ang mga picture… Salamat sa mga nag-upload ng mga letratong ito, lalo na nung vintage Alvin na bumabangga sa Ginebra.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s