Categories
Uncategorized

First Sunday of Advent: Liwanag sa Diliim

First Sunday ng Advent. Madilim. 

Panahon para sindihan ang unang kandila ng Advent Wreath. Ang unang liwanag. Ang tahimik kung dumating, pero babaguhin ang lahat. 

Ilang araw (o ilang linggo na ba actually?) na 530PM pa lang, madilim na. 530AM na, madilim pa rin. 

Oo, may mga bahay  at mall (in varying degrees of tastefulness), na pinush ang ‘kumukuti-kutitap’ kaya’t nagiging showtime ang dapithapon at hapunan. Oo naman, mahalagang ipaalala na iwinawaksi ng liwanag ang dilim. Pero palagay ko mahalaga ring hayaan nating ang kadiliman ay magpaalala sa atin ng isa sa mga kahulugan ng Pasko.

Madilim nung unang Pasko. Siyempre, gabi. Pero madilim na panahon para sa Israel. Sinakop nang paulit-ulit sa bayang pinaniwalaan nilang kaloob sa kanila ng Diyos. Madilim – at tahimik. Ilan daang taon na silang hindi kinakausap ng Diyos – walang propeta, walang rebelasyon. Biglang dating si Hesus. 

Sa ating madilim na mundo sa kasalukuyan (hindi ko na siguro kailangang ipaliwanag bakit madilim ang kasalukuyang mundo), lalong kailangan natin ang liwanag ni Hesus. 

Nakatingin din tayo sa hinaharap, sa muling pagbabalik ni Hesus sa wakas ng panahon, pag wawakasan na rin niya once-and-for-all ang kadiliman. 

Meron ding kadiliman sa ating kalooban. Ang ating karupukan, poot, mga nakaraang tinatakasan at mga hinaharap na kinatatakutan, at maging ang mga kaloob-loobang kasuluk-sulukan na ayaw nating ipakita man lang kahit sa mga pinakamalalapit sa atin. Kadilimang minsan hindi natin alam na madilim na pala bago tayo mauntog. Ang kadiliman nating tanging ang liwanag lang ni Hesus ang may kayang umabot. 

Pag nag-aayos tayo ng Christmas Lights, o nagde-decorate ng bahay (o ng tindahan, o ng sasakyan pa nga), meron tayong mindset minsan na – kailangang handa ang lahat bago dumating si Hesus! Ang mensahe para sa akin nitong unang Linggo ng Advent: darating ang liwanag niya habang nasa kadiliman pa lang tayo. HABANG. NASA. KADILIMAN. 

Di ba’t wala naman talaga tayong magagawang sapat na paghahanda o paglilinis ng mga appliances at furniture ng puso para masabi kay Hesus, “I’m ready! Come on down!”? Kaya’t siya na nga ang gumawa ng paraan – habang tayo’y nasa kadiliman. 

Ang mungkahi ko, manatili sa dilim ng 530 (umaga o dapithapon depende kung morning o night person tayo) nang ilang sandali pa. Lagyan ng ilang minutong puwang para ma-appreciate at matanggap na tayo’y nasa dilim, kaya’t kailangan natin ng liwanag.